Diligan mo ng pawis ang lupang pasakit,
Gapangin mo ang buhay na lubhang kay pait- - -
Saluhin ang mga dagok ng pagsubok;
Hanggang matunton mo ang pinakarurok. . .
Sisirin ang kailaliman ng dagat,
At lakbayin ang mapanganib na gubat- - -
Subukang akyatin matarik na bundok;
At h'wag kang susuko kahit pa malugmok. . .
Dugo ang iaalay kapalit ng buhay,
Upang ang liwanag ay muling masilay- - -
Hikahos man ay akap ng pagkandili;
Walang kahulilip na pagpupunyagi. . .
Ang anumang kulang ay dapat mong punan;
NGAYON ang PUHUNAN ng KINABUKASAN- - -
Nagising akong
muli sa katotohanan ng mundo habang ang aking isipan ay patuloy pa ring bihag
ng paglalakbay doon sa mundo ng imahinasyon kung saan walang limitasyon at ang
bawat pangarap ay walang hangganan.
Heto na naman akong umaasa na balang araw
ay masisilayan ko rin ang liwanag na magsisilbing gabay patungo sa aking
minimithi ang maging "manunulat". Subalit ngayon alam kong bubot pa
ang pahat kong isipan ngunit naniniwala akong balang araw ay mahuhulma,
mahihinog at mahuhubog rin ito sa tamang panahon at pagkakataon.
Habang ako'y nakatingin sa mga bituin
gamit ang papel ay patuloy akong aakda ng iba't-ibang mga likha na isinusuka ng aking tintang
itim; mga katotohanan, ekspresyon, pantasya at iba pang mga likhang isip na
kakatok at bubuhay sa inyong mga puso't isipan.
Katulad ng mga ibon sa langit ,
ang pag-agos ng tubig mula sa batis- - -
gaya ng magandang tinig o himig na
kaysarap sa pandinig.
Hangga't ang lahat ng aking mga pangarap ay maging abot
kamay,
ang tintang itim at puting papel ang magsisilbing tulay- - -
ang tintang itim at puting papel ang magsisilbing tulay- - -
Katulad ng
patuloy na pagdaloy ng aking dugo ,
ang walang patid na pagliliyab ng apoy sa
aking puso...
Susulat ako at patuloy pang lilikha ng
iba't-ibang akda...
Hanggang nananatiling
malalim ang tubig sa ilog,
at hindi ko pa nararating ang dulo ng mundong
bilog....
Hangga't di ko pa nasisisid ang kailaliman ng karagatan
at nananatiling luntian ang kagubatan.
Katulad ng pagkasing hinahanap
hangga't bughaw ang alapaap...
At pula ang simbolo ng nag-aapoy kong
damdamin,
sa panitikan kong pinipinatakasi---
Kahel na nagpahinog sa bubot kong binhi
Habang lila't indigo para sa walang kamatayan
ko'ng pagsuyo - - -
at dilaw na nagbibigay liwanag sa'king mundo.
At kahit pa sa sandaling ako'y lumisan;
ito ang akdang 'di kaylanman malilimutan.
Lahat ng ito'y nagbibigay buhay at 'di
mapapawi
sa sandaling ang ulap man ay mahawi---
Katulad ng makulay na GUHIT NG
BAHAGHARI...."mga pinagtagpi-tagping kaisipan;
na magbibigkis ng nakaraan..."
John Dexter Asedillo
---------------------------------------------------------
Written,Encode and Edit by : John Dexter Asedillo
co-Encoder : Valerie Lejarde
Angelica Alexis Perez
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento