Sa isang dating paraiso ng langit,
Halika't ika'y sumilip kahit saglit- - -
Patay na uod sa ibabaw ng lupa;
Masdan mong sa kanyang mata ay may luha.
Muling balikan ang kanyang mga bakas,
Iyo bang batid hirap n'ya na dinanas?
Sa lupang kinubkob ng lupang pasakit;
May paniniwalang daratnin ang langit.
Sa patay na uod "di ka ba naawa?
Bunsod ng paghusgang kulang sa biyaya- - -
Isang tila tigang at uhaw na lupa;
"Tao"don ba ay nais mong sumama?
Kung ikaw ay isang uod na maliit,
Magingat,magmasid: para di madagit- --
Kun'di yaman at buhay mo ay maglaon;
Sa matakaw at makasariling ibon.
Saan nga ba mapayapa at masaya?
Lugar kung san malaya ang bawat isa- - -
Kung ika'y uod sa ibabaw ng lupa;
Hintayin pa bang hininga ay mawala?
Kumilos ngayon at magsimulang magisip,
Sa bunga ng kahapon saglit sumilip- - -
Lumipad kasama ang iyong pangarap;
Halina't habulin mapaglarong ulap.
Sa kahirapan ng buhay na kay pait,
KAmatayan nga ba ang sa huli'y sasapit?
Halina sa akin at ika'y kumapit;
Sinapit ng uod ay "di na maulit.
Patay na uod sa ibabaw ng lupa,
Silipin,masdan,mahabag at maawa- - -
At ngayon ay limutin ang nakalipas;
Maghanda para sa panibagong bukas.
Hikahos........
Akda ni: John Dexter Asedillo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento