Martes, Hunyo 11, 2013

"Pilosopiya"

“Pilosopiya”
Ang pilosopiya ay mula sa salitang Latin na philosophia (bigkas /pi lo so pi ya/) na nagmula naman sa wikang Griyego na filosofía (sulat Griyego: φιλοσοφία). Literal na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan” (filein = ‘ibigin’ + sofía = ‘karunungan’, sa pakahulugan na malalim at malawak na pagkaunawa sa antas na pangkaisipan) ang salitang "pilosopiya". Hindi kailangang tungkol sa kahulugan angEtimolohiya, ngunit tila napag-isipan ng mga sinaunang Griyego na gawin itong isang pangunahing gawain na maraming sinasakop, o isang paraan upang harapin ang buhay, kaysa mga tiniyak na kalipunan ng mga katanungang pinag-aaralan.
Ipinalalagay na mula sa Griyegong palaisip na si Pitágoras (Pythagoras) (basahin ang Diogenes Laertius: "De vita et moribus philosophorum", I, 12; Cicero: "Tusculanae disputationes", V, 8-9) ang paggamit ng mga salitang "pilosopo" at "pilosopiya". Nakabatay ang palagay na ito sa bahagi ng isang nawawalang akda ni Herakleides Pontikos, isang mag-aaral ni Aristoteles. Ipinapalagay itong isang bahagi ng mga laganap na alamat ni Pitagora nang panahong iyon.
"Pilosopo" ang ipinalit sa salitang "sopista" (mula sa sofoi), na ginagamit upang tukuyin ang "mga matatalinong tao", mga guro ngretorika, na mga pinapahalagahan sa demokrasya ng Atenas. Sa panahon ng sinaunang Gresya, binabayaran bilang mga guro ang mga sopista, habang nanatiling di-pangkalakalan ang gawain ng mga pilosopo bilang "mangingibig ng karunungan."
Madalas na ginagamit sa mga usapan/diyalogo ni Platon ang dalawang salita upang ipakita ang pagkakaiba ng mga taong inialay ang sarili sa karunungan (mga pilosopo) sa mga taong mayabang na ipinapakilala ang sarili nila bilang mga taong may angking talino, (mga sopista). Inilarawan ni Sokrates (ayon sa paglalahad ni Platon) na walang kakayanan at mapagpanggap ang mga sopista, na gustong itago ang kanilang kabobohan sa likod ng pambobola at paglalaro sa salita, kung kaya napapapaniwala nila ang ibang tao sa mga bagay na walang basehan at hindi totoo. Ang nakakasirang-puri na gamit sa salitang "sopista" ay sa pakahulugang tumutukoy sa isang tao na nanghihikayat lamang kaysa nagbibigay-katwiran.
Ayon sa sinaunang pang-unawa at mga akda ng (ilan sa) mga sinaunang pilosopo, saklaw ng pilosopiya ang lahat ng pinagsisikapan ng pag-iisip. Kabilang dito ang mga suliranin ng pilosopiya ayon sa pagkakaintindi natin sa ngayon; ngunit kabilang dito ang marami pang pag-aaral, tulad ng purong matematika at mga agham-pangkalikasan tulad ng pisika, astronomiya at biyolohiya.
(Bilang halimbawa, merong mga akdang isinulat si Aristoteles tungkol sa lahat ng mga paksang ito; hanggang sa ika-17 daantaon/siglo, itinuturing na mga sanga ng "pilosopiya ng kalikasan" ang pisika, astronomiya at biyolohiya). Sa pagdaan ng panahon, nahinog ang mga natatanging larangan sa mga agham na ito at nahiwalay sa pilosopiya bunga ng pagpapalalim ng kaaalaman at ang pagbilis ng teknikal na pag-unlad sa mga mas piling larangan ng pag-aaral: naging espesyal na agham ang matematika sa sinaunang panahon, at naging iba't ibang sangay ng agham-pangkalikasan ang "pilosopiya ng kalikasan" sa pagdating ng Rebolusyon sa Agham.
Sa ngayon, kadalasang nadadalian tayong paghiwalayin ang mga tanong na pampilosopiya sa mga tanong na pang-agham, at dahil ito sa kakayanan nating tukuyin na (hindi tulad sa mga agham) pangsaligan at pambuod ang uri ng mga tanong dito, at dahil alam din natin na hindi ito maaaring maapektuhan/mabago ng iba't ibang mga eksperimentong sinusubukan.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento